Linggo, Nobyembre 16, 2008

Wikang Filipino sa Ingleserong World


Ano sa Ingles sa galonggong? Alam niyo ba ang sagot? Hindi! Ang tambilawan kaya? Lalong hindi! Kaya di ko na itatanong kung alam niyo ang Ingles ng sapsap at tulisan?

Simpleng tanong para sa malalim na punto. Maraming sa atin ang nahuhumaling sa wikang Ingles. Lahat ay mistulang mga dagang nagnanais makasilo ng bagong salita, bagong ekspresyon, bagong kaanyuang dulot ng Ingles! Kaya nga tumatabo ng kita ang mga gumagawa ng diksyunaryo sa Ingles.

Maraming nagsasabi na Ingles ang passport para lumabas ng Pilipinas at magkamal ng salapi! Ingles ang kailangang para pumasok sa call center. Ingles ang kailangang upang mapasok ang worldwide web. Ingles ang kailangang para makabingwit ng Amerikang mag – aahon sa hirap at magdadala ng kakaibang ligaya na hindi kayang ibigay ng mga Pinay. SiPing ang kinabukasan.

Nakakaawa ang mga mag –aaral na Pilipino. Sa kagustuhan ng ilan na matuto ng wikang Ingles, isinasakripisyo ang pagkatuto ng Pinoy sa Matematika at Siyensya. Nakapagtataka lang na ang mga mauunlad na bansa sa Asya katulad ng Japan, Korea, at China ay itinuturo ang sayans at math sa kanilang mga estudyante sa kanilang sariling wika. Tanong lamang po. Sa paggawa ba ng kotse, Ingles ba ang ginagamit. Sa paggawa ng mga piniratang gamit na ibinibenta ng mga Tsinoy galing Taiwan, Ingles din ba ang gamit? Bakit tayo sa dito sa Pilipinas na mahusay sa Ingles kung ihahambing sa mga bansa ito ay lagare at kutsara ang naiimbento? Kahit tingnan niyo ang mga tindahan ng mga Tsinoy dito sa Kalibo, walang kayong makikitang paninda na yari sa Pilipinas. Lahat imported. Galing Tsina o Taiwan. Ang galing lang sa Pilipinas ay ang mga tindera at kargador nila. Bakit kaya nabuhay naman nang matiwasay ang mga Tsinong ito na hindi nga yata alam sabihin ang “My name is ___________________, native of _________________________. My celfone number is 09191434452”. Hindi ba kung hihingi tayo ng discount, calculator lang ang katapat. Hindi naman sila nalulugi. Parami pa nga sila nang parami. Nakatutuwa nga isipin na ang mga Pilipinong nagtapos ng Master in Business Administration o MBA na inaral sa wikang Ingles ang lahat ng sabjek ay nalugi pa sa negosyong bawang at sibuyas. Nag –Iingles yan ha.

Samakatuwid, hindi Ingles ang susi para maging industriyalisado ang bansang ito kundi ang malalim na pag – unawa at pagkatuto ng mga konsepto ng engineering at pagnenegosyo. Beybi, Inglesin mo nga yun!

Nag – aaral tayo ng Ingles para maging kompetitiv sa labas ng Piilipinas. Kompetitiv sa alin? Sa mga trabahong pang – atsay, pangtsimay, pangmutsatsa! Kalunos – lunos na ang paghahandang ginagawa ng gobyerno ay gawing domestic helper ang mga Pinay sa labas ng Pilipinas. Ito ba ang matatawag na kaunlaran?

Ang pagkakaunawa ko kasi, ang Ingles ay isang kasanayan at hindi isang kaalaman. Ginagamit ang Ingles upang ihatid at ibenta ang isang ideya sa isang nagsasalita ng Ingles.

Pero alam niyo minsan para tayong mga lasing. Bakit kaya ‘pag pinag – uusapan ang Filipino, palaging nauuwi sa usapin ng nasyunalismo. Sa muli, atin atin lamang ito. Huwag niyo na pong ipagsabi. Ang mga nagsasabi ng ganun ay kapos ang kaalaman! Sila yung mga hindi na tumanda sa kanilang pinag – aralan. O mas mainam sabihing walang pinagkatandaan.

Alam niyo rin kung ano pa ang mali? Lagi kasi nating ipinapasok ang sinabi ni Jose Rizal. Ano ba sinabi niya? “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa malansang isda.” Wow mga berks, hebigats!. Kay Rizal, ito lang ang masasabi ko: Pangarap kong tuparin ang mga pangarap mo!

Medyo korni na sa panahong ito ang linyang ito ni Rizal! Matagal nang patay si Rizal! Kaya unti – unti na rin nating patayin ang gasgas at gastadong linyang ito. Bitbit kasi nito ang usapin ng kung paano ba ang maging Pilipino. Lumalabas na kung hindi ka raw nagsasalita sa Filipino ay hindi ka Pilipino. Aba’y hindi yan totoo. I can speak the language of George W. Bush. I’m a Filipino in every sense of the word.. Pinoy ini! Sanay mag- Tibyog tibyog!

Wala pang titser sa Filipino ang nagsasabi sa akin na huwag pag – aaralan ang Ingles at magsalita sa Ingles. Katunayan, hinihimok kami na mag – aral at magsalita sa Ingles. Pero ang ilan sa atin, puro paninira ang sinasabi. Kesyo sa patuloy na pagsasalita sa Filipino, nasisira ang fluency sa Ingles. Kesyo nagiging baduy daw kami. Sabihin mo yan sa lelang kong panot!

Nakapagtataka lamang kasi na “Kamaan takun magKinaray – a kaja run”, Kabalo na ko maghambal it Hiligaynon subong. Te, suportahan niyo ko? Subalit “Antiguhan man gihapon ako maghambae it Inakeanon hasta makaron”. Puntong – Ibajay pa! Hindi ko pa rin nakakalimutan ang unang wika ko – ang Aklanon! Kaya iniisip ko na puro kasinungalinang ang sinasabi nila. Siguro, hindi lang sila nagturo nang maayos at magpasahanggang ngayon, marami sa mga mag – aaral na Pilipino ang mahina sa Ingles. Kasalanan ba ‘yun ng wikang Filipino?

Mistulang may kompetisyon sa pagitan ng Filipino at Ingles – kung alin ang higit na kapaki – pakinabang, higit na sosyal, higit na mataas. Matyagan niyo lang na! Sa totoo lang, wala namang kompetisyon. Dapat tingnan natin ang dalawang wikang – ang Filipino at Ingles bilang mga instrumento ng pag – unlad ng ating naghihirap na bansang Pilipinas. Magkaagapay ang dalawang ito tungo sa ating kaunlaran. Nakakasira lamang sa usaping ito ay ang mga taong nabulag sa hiwaga at haraya ng Ingles.

Muli nating suriin ang ating nalalaman. Muli nating tuklasin ang ating mga kahinaan. Muli nating tingnan kung sapat ang ating kahandaan. Sa ganito lamang paraan magiging segurado tayo na tayo ay world – class.

Tulungan ninyo akong ikalat ang kaalamang ito. Tulungan ninyo akong itaas ang antas ng pag – unawa ng marami sa atin. Magsuri tayo. Magtulungan tayo. Maghawak – kamay tayo sa gawaing ito.

Sa dami ng sinabi ko, isa lang ang itatanong ko sa inyo. Alam niyo na ba ang Ingles ng sapsap at tulisan. Sagutin niyo ‘yan. Now na!

Walang komento: